Agaw atensyon ngayon sa bayan ng Lucban, Quezon ang mala-piyestang tema ng mga palamuti sa isang tahanan doon.

Ang limang palapag na tahanan ng pamilya Veluz ay tinadtad ng makukulay na palamuti.

May malalaki at maliliit na stars ang idinikit sa dingding ng bahay. Pinuno rin ito ng iba’t-ibang kulay ng pailaw.

Ayon sa pamilya Veluz, tuwing Pasko nila ito ginagawa. Iba-iba ang tema ng dekorasyon kada taon. Ang haligi ng tahanan daw mismo ang nagdi-desenyo ng palamuti. Mahilig daw kasi sa makukulay na palamuti ang kanilang ama.

Ngayong taon ay sinadya raw nilang maging mas matingkad ang kulay ng mga palamuti. Kung mala-piyesta raw kasi ang palamuti ay lalo itong magpapasaya sa mga tao lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Ang pamilya Veluz ang may-ari ng sikat na kainan na Buddy's sa lalawigan ng Quezon at ilang lugar sa Maynila. -- BAP, GMA News