Arestado ang isang guro dahil umano sa pang-momolestiya niya sa kaniyang estudyante at pagpapakalat ng maseselang litrato ng menor de edad na biktima sa social media. Ang suspek, tinakot daw na ibabagsak sa klase ang biktima.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa “24 Oras” nitong Huwebes, inaresto ng mga awtoridad ang guro na si Mark Matthew Paras sa labas mismo ng eskwelahan noong October 11.

Sabi ng ina ng biktima, ngayong taon lang nila nalaman ang umanong pang-momolestiya sa kaniyang grade 11 na anak, kahit 2020 pa nagsimula ang mapait na karanasan ng biktima na 17-anyos noon.

“Hindi po pala safe ang anak ko sa eskwelahan. Alam ko protekdo ang anak ko sa loob ng eskwelahan. Tapos siya pa po na titser. Siya pa po na alam kong mag-guide ng maganda sa anak ko, siya pa po ang bumaboy,” anang ginang.

Kuwento sa kaniya ng anak na babae, hinihila siya ng guro papunta sa sasakyan na nakaparada sa bakanteng lote ng eskwelahan para pagsamantalahan.

“Lagi po siyang sa baba nagmukmukmok. Tapos kapag umiiyak naririnig ko. Tapos po may nagsabi po sa aking isang anak ko, ‘mommy may laslas siya. Kako, bakit anong nangyari?’” salaysay pa ng ina ng biktima.

Nang malaman ang nangyari, agad daw silang nagsampa ng reklamo laban sa guro.

Ayon sa hepe ng San Jose Del Monte Bulacan pulis na si Ronaldo Lumactod Jr., nag-umpisa ang krimen nang pagbantaan ng suspek ang estudyante na ibabagsak niya ito kapag hindi pumayag sa kaniyang kagustuhan.

“Ino-offer ng professor ‘yung mga indecent proposal. ‘Kapag hindi mo ako pinagbigyan ay kausapin ko mga co-teacher ko, na ibabagsak ka sa bawat subject nila at sa akin din ibabagsak kita,’” ani Lumactod.  

“Binibidyo ni teacher at ‘yun ang ginagawa niyang pang-bargain sa babae na kapag hindi mo ako pinuntahan at hindi ka nakipagkita at hindi ka nagpadala nude pictures sa akin, ipapalabas ko ito sa social media,” dagdag pa ng hepe.

Sinabi rin ng hepe na pinost daw ng guro ang mga maseselang larawan ng estudyante sa social media.

Gayunpaman, mariing itinanggi ng suspek ang mga alegasyon. Nasa kustodiya na ng mga pulis si Paras na nahaharap sa patong-patong na kaso. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News