Nahukay ng mga awtoridad sa Santiago, Agusan del Norte ang magkakapatong na mga labi ng limang katao na pinaniniwalaang pinatay ng New People’s Army noong nakaraang taon.

Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabing nahukay ang mga labi sa isang liblib na lugar sa Sitio Baraboto, Barangay Curva.

Ayon sa mga awtoridad, hinihinala na ang mga biktima ay dalawang miyembro ng CAFGU at tatlong sibilyan na pinaniniwalaang pinatay at saka inilibing ng mga miyembro ng NPA.

Inabot umano ng mahigit apat na oras ang paghuhukay bago nakuha ang mga labi ng mga biktima na magkakapatong at nakabalot sa tela ng duyan.

Ayon sa militar, natukoy ang pinaglibingan ng mga biktima sa tulong nang ibinigay na impormasyon na isang dating miyembro ng NPA na sumuko sa militar.

Inihayag naman ng mga pulis, na mga residente sa Carmen, Surigao del Sur ang mga biktima.

Napag-alaman na umalis sila sa kanilang lugar noong May 3, 2021 upang maghanap ng puno ng lapnisan o agar wood na kanilang ibinebenta. Pero hindi na nakauwi sa kani-kanilang mga bahay ang mga biktima.

Base sa imbestigasyon, dinukot umano sila ng mga NPA nang pumasok sa Barangay Lobo, Cantilan, Surigao del Sur.

Ang mga biktima pa umano ang pinaghukay ng kanilang libingan, ayon sa pulisya.

Nanawagan ng hustisya ang mga kaanak sa sinapit ng mga biktima. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News