Matatagpuan raw sa kailalim-laliman ng Ormoc Bay sa Leyte ang mga alaala ng mga pinalubog na barko ng Estados Unidos noong World War II.

Ang mga miyembro naman ng Ormoc Scuba Divers Club pangarap na masisid ang barkong ginamit ng mga Hapon. Ano kaya ang kanilang natuklasan?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho”, sinabing naglagay noong 2017 ang research vessel na R/V Petrel sa pusod ng Ormoc Bay para sa isang underwater expedition na pinangunahan ni Robert Kraft.

Si Kraft ay isang American deep-sea explorer.

Katuwang ng grupo ni Kraft ang lokal na pamahalaan ng Ormoc na pinamumunuan ng dating aktor at ngayo'y Leyte 4th District Representative na si Richard Gomez.

“’Yung ginamit nilang barko very expensive. May helicopter sa loob, may cinema sa loob, may swimming pool. Tapos nandun ‘yung submarine,” saad ni Gomez.

Ang misyon nila, makita ang isa sa pinakamalaking barkong pandigma ng Estados Unidos na USS Cooper na lumubog sa Leyte.

“Pagdating ng 200 feet halos wala ka nang makita. May konting fear kasi at that depth kung anong mangyari sa iyo du’n goodbye ka na talaga,” sambit ni Gomez. “Hindi ko na-realize na ganoon pala kalalim ‘yung Ormoc Bay until I got there,”

Sa lalim na 620 feet nadiskubre nila ang iba’t ibang gamit pandigma tulad ng 5’’ gun, torpedo launcher, at port side depth charge launcher.

“May mga depth charges pa. Ang laman daw nu’n puro gun powder. Baka sakaling dumikit ‘yung submarine at gumalaw, posibleng live pa ‘yun at sumabog,” dagdag pa ng kongresista.

Sa parehong taon, mas nilalaliman pa ng grupo nila Kraft ang kanilang expedition.

Sa lalim na 650 feet, nasisid nila ang natitirang piraso ng isa pang barkong pandigma ng Amerika na USS Ward.

“We’ve done a number of these explorations to try to find the sunken warships. So we try to do this both as really exciting examples of underwater archeology and distribute to the brave men that went down with these ships,” pahayag ng philanthropist at Microsoft co-founder Paul Allen.

Noong 1944 nang maganap ang Battle of Ormoc Bay. Ito ay isang serye ng land and air battles sa pagitan ng mga Amerikano at ng mga Hapon.

Para sa Allied Forces, mahalagang estratehiya ito sa pangunguna ni General Douglas MacArthur para pahinain ang pwersa ng Japan na sumakop noon sa probinsya ng Leyte.

“Ormoc has a very devastated place. Kasali na ‘yun sa overall battle of Leyte to liberate the Philippines from the Japanese,” ani Dr. Rolando Borrinaga, isang local historian.

Bagamat nanalo sa Battle of Ormoc Bay ang Amerika, pinalubog naman ng mga Hapon ang apat sa mga barkong pandigma nila kabilang na nga ang USS Cooper at USS Ward.

Samantala, ang mga barkong pandigma na ginamit naman ng kalaban ng mga Amerikano noon, ang pangarap na masisid ng mga miyembro ng Ormoc Scuba Divers Club.

Matatagpuan pa kaya nila ang kanilang pakay sa pusod ng Ormoc Bay? Ano naman kaya ang plano ng lokal na pamahalaan sa mga barkong pandigma na nasa ilalim ng Ormoc Bay? Panoorin sa video ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.” -- Mel Matthew Doctor/BAP, GMA Integrated News