Patay na at walang saplot pang-ibaba nang makita sa palayan ang ng isang 22-anyos na college student sa Anda, Pangasinan na unang iniulat na nawawala.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Lowilyn Caido Caniedo, 4th year college student sa kursong BS Hospitality Management sa Pangasinan State University sa Lingayen.

Nakita ng mga residente ang bangkay ng biktima sa palayan sa Barangay Cabungan sa nasabing bayan ng Anda noong Sabado.

Ayon sa pulisya, nagpaalam umano sa pamilya si Caniedo noong July 20 ng gabi na pupunta sa isang kaibigan pero hindi na nakauwi.

Dahil dito, inireport na nawawala ang biktima hanggang sa nakita ang kaniyang bangkay sa palayan na nakadapa at walang saplot pang-ibaba.

May nakita ring sugat sa kaniyang ulo.

"Ayon sa kaniyang magulang, nagpaalam ang kanilang anak noong July 20 ng gabi ng 8 pm, na sinabi niyang pupunta sa kaniyang kaibigan doon sa kanilang lugar upang makipagkuwentuhan," ayon kay PSSG Maximiano Untalan, Jr., investigator, Anda Police Station.

Hustisya ang hiling ng mga kaanak at kaibigan ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa sanhi ng pagkamatay ng biktima, at pagkakakilanlan ng salarin.

Hindi rin inaalis ng pulisya ang posibilidad na ginahasa ang biktima na kasama rin sa kanilang imbestigasyon.

Hindi na nagbigay muna ng pahayag ang mga kaanak biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News