Nasawi ang isang 73-anyos na senior citizen matapos siyang paghahampasin ng tubo ng kaniyang kapitbahay sa Libertad, Misamis Oriental.
Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood ang isang video ng panghahampas ng suspek sa biktima pasado 8 a.m. nitong Biyernes.
Inawat ang lalaki ng mga tao sa lugar, ngunit nagpatuloy siya sa pananakit.
"Itong suspek, malaki ang katawan at bata pa, 53-anyos. Naagaw ng suspek ang G.I. pipe ng biktima na hinampas pa raw sa kaniya," sabi ni Police Captain Chance Ramirez, hepe ng Libertad Municipal Police Station.
"Nakuha niya ang tubo na ginamit niyang pamalo sa mukha ng biktima na sanhi ng pagkamatay," dagdag ni Ramirez.
Sumuko kalaunan ang suspek, na hindi na nagbigay ng pahayag.
Wala pang linaw kaugnay ng motibo sa krimen. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News