Isang babae ang natagpuang wala nang buhay sa damuhan sa gilid ng kalsada sa Talisay, Negros Occidental. Ang kaniyang nobyo, isa sa person of interest.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, sinabing natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng biktima sa Barangay Matab-ang.
Sinabing kasama ng biktima ang kaniyang nobyo ilang oras bago siya nakitang patay.
Nakakuha na ang pulisya ng CCTV footage kung saan nakitang magkaangkas ang magnobyo, ngunit hindi muna ito isinapubliko.
Isinalaysay ng lalaki sa pulisya na nag-away sila ng biktima kaya umuwi siya na mag-isa.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon para malaman kung sino ang pumaslang sa babae. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News