Nagtamo ng sugat sa ulo ang isang babae sa Cagayan de Oro matapos na sadya umanong bungguin ng isang kotse. Ang suspek, ang dating nobyo ng biktima na tinangka pa raw siyang atrasan ng sasakyan.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng biktima na itinago sa pangalang “Elle” na dalawang linggo na silang hindi nagkikita ng suspek makaraan siyang makipag-break sa lalaki.
Hanggang sa mapansin umano niya ang kotse ng suspek malapit sa kaniyang pinapasukan noong Biyernes.
Pauwi na sana ang biktima at naglalakad nang banggain umano ng naturang sasakyan.
“Pagbundol niya sa akin, tumilapon ako, nabangga yung ulo ko sa semento. Siguro akala niya na mamamatay na ako. Pag-angat ko ng ulo ko, nagmaneho pa siya ulit papunta sa akin, nag-backing pa siya sa direksyon ko. Pag-backing niya, agad akong tumayo at tumakbo,” kuwento ni Elle.
Dinala sa ospital ang biktima na nagtamo ng sugat sa ulo, at mga galos sa iba pang bahagi ng katawan.
“Baka nag-plot na siya ng plano kung kailan niya ako papatayin. Hindi ko talaga alam ang laman ng kaniyang utak. So, ang panawagan ko ilabas na lamang nila [ang ex-boyfriend ko]. I-surrender lang nila sa authorities,” panawagan ni Elle.
Ayon naman sa Cagayan de Oro police, dati nang nagpa-blotter ang biktima laban sa dating nobyo.
“Hindi ito ordinaryo na Reckless Imprudence Resulting To Physical Injury, dahil nalaman natin na violation rin ito ng isang special law, itong RA 9262,” pahayag ni Cagayan de Oro Police Deputy Spokesperson Police Captain Emilita Simon.
Patuloy na hinahanap ang suspek na tumakas matapos ang insidente.-- FRJ, GMA Integrated News