Isang bagong minivan na napanalunan sa raffle ang nahulog sa dagat mula sa barkong pinagsakyan nito sa Baybay City Port sa Leyte.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing nangyari ang insidente noong madaling araw ng March 4, 2025.
Galing ang itim na minivan sa Cebu at isinakay sa roll on-roll off (ro-ro) vessel upang iuwi ng nanalo sa raffle sa Leyte nang mangyari ang insidente habang nakatigil ang barko sa pantalan ng Baybay City.
Ayon sa mga nakasaksi, iniaatras ang naturang sasakyan pero naging mabilis ang pag-andar nito hanggang sa mahulog sa dagat.
Mabilis naman umanong nakalabas ng minivan ang driver at ligtas na nakalangoy patungo sa itaas ng pantalan.
Dahil ginagamit ng iba pang barko ang lugar kung saan nangyari ang insidente at maiwasan ang pagtagas ng langis, kaagad na iniahon ang minivan gamit ang backhoe. -- FRJ, GMA Integrated News
