Nasawi ang isang rider at ang kaniyang angkas matapos nilang makasalpukan ang kasalubong na pampasaherong bus sa Urdaneta, Pangasinan.

Sa ulat ni Cris Zuñiga ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV na galing sa gilid na bahagi ng Manila North Road ang motorsiklo ng mga biktima nang bigla itong umarangkada nang at sinalubong ang paparating na bus.

Hindi agad nakapagpreno ang bus na dahilan para makaladkad ng ilang metro ang motorsiklo ng mga biktima.

Parehong dead on the spot ang rider at ang angkas, na galing umano sa inuman. Samantalang wala namang nasaktan sa mga sakay ng bus.

Sumuko sa mga awtoridad ang driver ng bus ngunit pinalaya rin kalaunan. Hindi siya nagbigay ng pahayag.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng nasawi samantalang patuloy ang pag-uusap ng magkabilang kampo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News