Nadakip na ng mga awtoridad ang lalaking tumaga at pumatay sa kaniyang kinakasama na 17-anyos na babae at anak nitong anim na buwang gulang lang noong May 1.
Sa ulat ng GMA Super Radyo Davao nitong Lunes, sinabing naaresto kanina ang 29-anyos na suspek sa Barangay Talagoy sa Malita, Davao Occidental.
Inako umano ng suspek ang krimen, na hinihinala ng mga awtoridad na selos ang ugat. Nakuha rin ng pulisya ang bolo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Lumitaw umano sa imbestigasyon na pinaghihinalaan ng lalaki na hindi siya ang ama ng sanggol.
Mayo 1 nang makita sa bahay sa nabanggit ding barangay ang bangkay ng mag-ina na nagsisimula nang maagnas, at may mga taga sa ulo at leeg.
Natuklasan din na ipinatawag na sa barangay noong April 15 ang suspek at ang babae dahil sa kanilang pag-aaway na nauwi na sa pananakit.
Mahaharap ang suspek sa kasong murder with parricide charges. -- may ulat din si John Ryan Calonia, GMA Super Radyo Davao/FRJ, GMA Integrated News
