Nasawi ang isang 58-anyos na barangay tanod matapos siyang mapagkamalang kagawad at pagbabarilin sa loob ng barangay hall sa Urdaneta, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, inilahad ng mga saksi na matapos mag-ikot sa barangay ang tanod, nagpahinga muna ito.
Hanggang sa isang gunman ang biglang pumasok sa barangay hall saka siya pinagbabaril.
Matapos nito, agad tumakas ang namaril kasama ang isang motorcycle rider.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na napagkamalan ng gunman ang biktima na ito ang barangay kagawad na hinahanap niya noon.
Tumangging magbigay ng panig ang punong barangay tungkol sa insidente, samantalang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
