Patay ang isang lalaki matapos barilin ng kaniyang kumpare na nagalit umano sa biktima dahil sa bintang na nambato sa inuman sa La Paz, Iloilo City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, kinilala ang biktima na si Ricky Doronila na umiinom ng alak noon sa loob ng kaniyang bahay, batay sa imbestigasyon.

Samantala, nasa inuman naman sa kabilang bahay ang kumpare niyang si Ronaldo Jeruta, na suspek sa krimen.

Ilang saglit lang, nagtalo ang magkumpare nang pagbintangan ng suspek ang biktima na naghagis umano ng bato sa bubong kung saan siya nakikipag-inuman.

Tinangka silang awatin ng mga nasa lugar ngunit hindi napigilan ang suspek na barilin ang biktima.

Tinutugis na ang suspek na tumakas pagkaraan ng krimen.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News