Isang lalaki na tumulong iligtas ang kanilang trabahador mula sa hukay na may masangsang na amoy, ang namatay nang siya naman ang maiwan sa loob sa Barangay Pangyan, Davao City.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, isinalaysay ng misis ng biktima na nagpahukay sila sa likod ng bahay upang gawing imbakan ng tubig para sa kanilang babuyan.
Kalaunan, humingi sa kanila ng tulong ang mga naghuhukay nang mawalan ng malay ang isang trabahador.
Kaya naman tumulong ang kaniyang mister ngunit siya naman ang naiwang mag-isa sa loob ng hukay.
Tinangka siyang iligtas ng kanilang mga kaanak pero hindi nila natiis ang nakakasulasok na amoy.
Pagkarating ng mga rescuer, nakuha nila ang katawan ng biktima ngunit wala na itong buhay.
Nasa maayos nang kondisyon ang iba pang nahilong biktima.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung ano at saan nanggagaling ang masangsang na amoy.
Sinabi naman ng asawa ng biktima na inililibing nila sa likod-bahay ang namamatay nilang alagang baboy.
Dahil na rin sa pangyayari, tinabunan na lang ng lupa ang nasabing bukay.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
