Nasawi ang isang rider ng motorsiklo matapos masalpok ng isang 10-wheeler truck sa Iloilo City. Sa Cebu City naman, isang senior citizen na rider at angkas niya ang sugatan nang mahagip sila ng dump truck.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing parehong bumibiyahe ang motorsiklo at truck sa Jaro District sa Iloilo City.
Pero nabangga ng truck ang likurang bahagi ng motorsiklo na dahilan para tumilapon ang rider at nagtamo ng mga sugat sa ulo at agad na namatay.
Paliwanag ng truck driver, hindi niya napansin ang motorsiklo.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver at hinihintay kung sasampahan siya ng reklamo ng mga kaanak ng biktima.
Sa Cebu City, sugatan ang isang senior citizen na rider at kaniyang angkas matapos silang mahagip ng truck ng basura at natumba ang mga biktima.
Ayon sa driver ng truck, hindi niya napansin ang motorsiklo ng mga biktima.
Hinihintay pa kung makikipag-areglo ang mga biktima.
May tinatawag na blind spot sa mga sasakyan o bahaging hindi nakikita ng mga driver, lalo na ng malalaking truck. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
