Natukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek sa pagbaril at pagpatay sa dating Kalibo mayor at veteran journalist na si Juan “Johnny” Dayang.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, ipinakita sa press conference na pinangunahan ni Police Regional Office (PRO) 6 Director, Brigadier General Jack Wanky, ang screenshot ng umano'y gunman na si BB Boy Kim Wency Antonio, na mula umano sa Bacoor City, Cavite.
Dati na umanong naaresto si Antonio noong 2021 sa isang drug buy-bust operation sa Pasig City, ayon sa pulisya.
Natukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek sa isinagawang backtracking sa CCTV videos hanggang sa makarating sa hotel kung saan tumuloy ang suspek at nagrenta ng motorsiklo na ginamit sa krimen.
Nalaman din na sumakay ng eroplano si Antonio sa Iloilo International Airport papunta ng Maynila noong Mayo 2, 2025.
Binaril at pinatay si Dayang sa loob ng kaniyang bahay habang nonood ng telebisyon sa Barangay Andagao, Kalibo, Aklan noong April 29, 2025.
Nag-alok naman ang lokal na pamahalaan ng Kalibo at provincial government ng Aklan ng kabuuang P500,000 bilang pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang suspek.
"Malaman natin kung sino talaga ang nag-utos sa kaniya nito, mas maganda kung kamag-anak niyo ito, mas magandang i-surrender nyo na lang,” payo ni Wanky. -- FRJ, GMA Integrated News
