Isang 65-anyos na lalaki ang nawalan ng malay at kinalaunan ay pumanaw matapos bumoto sa isang polling precinct sa Oas, Albay kaninang umaga sa araw ng Eleksyon 2025.

Sa ulat ni Vincent John Abordo sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing residente ng Barangay Talongog ang nasawing botante.

Batay sa ulat ng pulisya, katatapos lang ng botante na bumoto sa Cluster Precinct 68 sa Oas South Central School sa Barangay Ilaor Sur nang mahilo siya.

Kasama niya ang kaniyang maybahay na nasabihan pa niya tungkol sa pagsama ng kaniyang pakiramdam bago tuluyang nawalan ng malay dakong 6:05 a.m.

Kaagad namang rumesponde ang medical team sa lugar at dinala ang botante sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival ng duktor.

Ayon sa pulisya, lumitaw na dati nang na-stroke ang botante.

Samantala sa hiwalay na ulat ni John Consulta, sinabi nito na isang person with disability na boboto ang sumama rin ang pakiramdam sa gitna ng mainit na panahon sa Dasmarinas, Cavite.

Nakaramdam umano ng paninikip ng dibdib at hindi makahingan nang maayos ang botante na kaagad ding sinuri ng medical team. -- FRJ, GMA Integrated News

For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.