Arestado ang apat katao na nagsuntukan sa isang presinto dahil umano sa alegasyon ng dayaan sa Cotabato City. Ngunit ayon naman sa kapulisan, problema sa pila ang sanhi ng kanilang pagkakainitan.Sa ulat ni Efren Mamac ng GMA Regional TV One Mindanao sa 24 Oras nitong Lunes, sinabing naganap ang insidente sa isang presinto sa Cotabato City Central Pilot School pasado alas 10:30 a.m.Agad dinala ang mga sangkot sa estasyon ng pulisya.Sinabi ng isa sa mga nadakip na may sumisira umano sa automated counting machine sa nasabing presinto.“May pumasok na lahat naman pinagsisira ‘yung mga paraphernalias at saka ‘yung mga PCOS machine pinagsisira. So kami sir, botante kami sir,” sabi ng isa sa mga naarestong lalaki.Gayunman, itinanggi ito ng lalaking kaniyang nakasuntukan.“‘Yung watchers namin pinapalabas nila. Nila-lock nila 'yung pinto. Sinabi nila na nasira ang mga paraphernalias. Walang nasira doon sir. Kasi sir, kanina pa nagagalit 'yung mga tao dyan sa labas, hindi nila pinapapasok. Inupuan ng asawa niya diyan sir, 'yung kapitan diyan sa Poblacion 6,” sabi naman ng isa pang inaresto.Sinabi ng Cotabato City Police na problema sa pila ang nakitang pinagmulan ng gulo.“Nagkaroon ng suntukan. Pinacify natin. Dahilan pala, dahil dito magulo 'yung pila,” sabi ni Police Colonel Jibin Bongcayao, Director ng Cotabto City Police.Ayon pa kay Bongcayao, wala rin silang nakitang dayaan sa eleksyon na ginawa umano ng mga nadakip.“Sa point of view ko, wala man akong nakita. So sila, may mga watchers naman sila. Magreklamo 'yung mga watchers nila. Ngayon pinapalinya natin na lahat ng tao, na narito makaboto nang maayos,” anang opisyal.Isasailalim ang apat sa imbestigasyon.Samantala, nagkaroon din ng komosyon bandang 1 p.m. matapos magsigawan ang ilang botante dahil umano sa problema sa pila. Agad naman itong napahupa ng mga pulis. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated NewsFor more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.