Dinagsa ng kalalakihan ang "Operation Tuli" campaign ng lokal na pamahalaan ng Lapu-Lapu City sa Cebu. Ang mga lalaking nasa edad 20 pataas na magpapatuli, makatatanggap ng regalong P10,000. Habang P20,000 naman ang ibibigay sa senior citizens na magpapatuli.Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing isang lalaki na 27-anyos ang nakatanggap ng P10,000 matapos magpatuli na ginawa sa Hoops Dome sa Barangay Gun-ob.Si Barangay Basak Chairwoman Jasmine Chan, president ng Association of Barangay Councils sa lungsod ang nagbigay sa lalaki ng kaniyang regalo.Bukod sa libreng tuli, mayroon ding libreng ice cream sa pinagdausan ng tulian, at miryenda mula sa isang kilalang fast food chain.Ayon kay Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan, may tatlong araw na itinalaga para sa libreng tuli – May 20, 2025, May 22, 2025, at May 30, 2025.May operation tuli rin na gagawin para sa mga residente ng Olango Island, na gagawin sa June 3, 2025.Nitong Martes, sinabing umabot sa 1,000 ang nagpatuli.-- FRJ, GMA Integrated News