Nasawi ang isang tricycle driver matapos masalpok ng bus sa Siaton, Negros Oriental nitong Lunes.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa 24 Oras nitong Martes, mapanonood sa CCTV video na palabas ang tricycle sa national highway sa Barangay Bonawon.

Ilang saglit lang, dumating ang isang bus at nasalpok ang tricycle na may sakay na tatlong pasahero, kaya ito bumaligtad.

Isinugod sa ospital ang 70-taong-gulang na tricycle driver at kaniyang mga pasahero.

Patay kalaunan ang driver matapos magtamo ng head injury.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente habang nakabilanggo na ang driver ng bus. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News