Isang 68-anyos na lolo, at isang 34-anyos na miyembro ng LGBT community ang kabilang sa mga nakatanggap ng cash gifts matapos kumasa sa libreng tuli campaign ng lokal na pamahalaan ng Lapu-lapu City sa Cebu.

Sa Facebook account ni Lapu-lapu City Mayor Junard Chan, sinabing nakatanggap ng P20,000 cash na regalo ang lolo, habang P10,000 naman sa LGBT member.

Nauna nang inihayag ni Chan, na makatatanggap ng P10,000 cash na regalo ang mga lalaking nasa edad 20 pataas na magpapatuli. Habang P20,000 naman ang ibibigay sa senior citizens na magpapatuli.

"Usa ka 68-anyos nga senior citizen na pod ang misanong sa atong panawagan nga magpatuli kay walay apo ni Lapulapu nga pisot," saad ng alkalde sa caption ng larawan ng lolo na nagpatuli.

May libre ring pa-burger at ice cream, gamot at mga candy para sa mga magpapatuli, lalo na sa mga mas bata.

Itinakda ang tatlong araw na libreng tuli sa May 20, 2025, May 22, 2025, at May 30, 2025.

May operation tuli rin na gagawin para sa mga residente ng Olango Island, na gagawin sa June 3, 2025.

Ayon sa Lapu-Lapu City Information Office, isinagawa ang naturang taunang medical outreach program na Libreng Tuli nitong Huwebes, May 22, 2025, sa Hoop Dome sa Barangay Gun-ob.

Batid umano ng mga nagpatuli ang magandang dulot nito para sa kanilang kalusugan, o personal hygiene.

Target muli ng lokal na pamahalaan na umabot sa 1,000 ang matutuli nitong Huwebes, gaya nitong nakaraang Martes. --FRJ, GMA Integrated News