Sa kagustuhan ng mga magulang na protektahan ang dalawa nilang anak habang wala sila sa bahay, ikinandado nila ito para hindi makalabas ang mga bata. Pero iyon din ang naging mitsa ng kapahamakan ng magkapatid nang masunog ang kanilang bahay sa Misamis Occidental.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing edad dalawa at apat ang nasawing magkapatid na nakitang magkayakap sa kanilang nasunog na bahay sa Barangay Poblacion, Sinacaban sa Misamis Occidental.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na naiwan ang magkapatid sa kanilang bahay na gawa sa light materials habang naghahanap-buhay ang kanilang mga magulang.
Para hindi umano makaalis ang mga bata habang wala ang mga magulang, ikinadena nila mula sa labas ang bahay. Kaya nang masunog ang bahay, hindi nakalabas ang magkapatid.
Ayon kay Fire Officer 1 June Beejay Villacorta, Sinacaban Fire Station Arson Investigator, nakita na magkayakap ang magkapatid na tila prinotektahan ng nakatatakdang kapatid ang mas batang biktima.
“Sa among paglantaw sa fire scene, among nakita nga nag-effort gyud ang magulang nga protektahan niya iyang manghud pero tungod sa kakusog sa kalayo, wala gyud kay silang duha man gyud nasunog kaayo,” saad niya.
Ayon din sa Bureau of Fire Protection (BPF), magkakalayo ang mga bahay sa lugar kaya hindi rin kaagad nakaresponde ang mga kapitbahay ng pamilya.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog, kasabay ng payo ni Villacorta sa publiko na huwag iiwan mag-isa ang mga bata sa bahay, at tiyakin walang pagmumulan ng sunog.-- FRJ, GMA Integrated News
