Arestado ang isang lalaki matapos niyang saksakin ang isa pang lalaki na napagkamalan niyang sumuntok sa kaniya sa Jaro Plaza sa Iloilo City.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing hirap makalakad ang biktima kaya tatlong lalaki ang umalalay sa kaniya patungo sa ospital.
Sinabi ng pulisya na nagpapagaling sa ospital ang biktima, na nagtamo ng mga sugat sa likod at braso.
May mga nagpapatrolyang pulis sa plaza kaya agad nadakip ang suspek, at narekober din ang kutsilyong kaniyang ginamit.
Sinabi ng suspek na napagkamalan niya ang biktima na lalaking nanuntok sa kaniya noong nakaraang taon.
Nagsisisi sa kaniyang ginawa ang suspek, na nahaharap sa reklamong frustrated homicide. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
