Dalawang Army reservists ang nasawi matapos silang pagbabarilin sa loob ng kanilang sasakyan sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing edad 42 ang isang biktima na residente ng Cotabato City, habang 43-anyos ang isa pang biktima na taga- Cotabato City rin.

Parehong Army reservists ang mga biktima na nakatalaga sa PC Hill sa Cotabato City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing sakay ng kotse ang mga biktima nitong Linggo nang pagbabarilin sila ng mga nakatakas na salarin.

“Sa ngayon, wala pa tayong malinaw na motibo. So, isa pa yun sa mga subject sa investigation natin,” ayon kay Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Spokesperson, Lt. Col. Jopy Ventura.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One Mindanao, na makaugnayan ang pamilya ng mga biktima, ayon sa ulat.—FRJ, GMA Integrated News