Inaalam ng mga awtoridad ang pananagutan ng driver ng mini truck na nasangkot sa aksidente noong nakaraang Biyernes na ikinasawi ng pitong tao sa Silay City, Negros Occidental.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay Guimbalaon nang tumagilid ang truck na sakay ang mga dumalo sa isang tree-planting activity.
"Ang nilalakad namin na makakuha kami ng expert mechanic na kung meron talagang mechanical error sa sasakyan or just human error or bad judgment sa ating driver,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Mark Anthony Darroca, hepe ng Silay City Police Station.
Bukod sa pitong nasawi, 10 iba pa ang nagpapagaling sa ospital, kasama ang driver ng truck na si Hernane Masa.
Kapag napatunayan na may kapabayaan si Masa, sasampahan siya ng reklamong reckless imprudence resulting to multiple homicide and physical injuries.
Gayunman, ayon sa pulisya, ilang kaanak ng mga biktima ang nagpahayag na hindi na magsasampa ng reklamo laban sa driver.—FRJ, GMA Integrated News
