Tatlo ang nasawi—kabilang ang dalawang babae—sa magkahiwalay na insidente ng banggaan ng mga motorsiklo sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Glam Calicdan Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nasawi ang babaeng rider at angkas niyang babae rin nang masalpok sila ng isa pang motorsiklo sa national highway sa Barangay Sagat, Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-U-turn ang mga biktima nang mahagip sila ng isang motorsiklo sa gitna ng kalsada.
“‘Yung place kasi ng incident malapit sa kurbada kaya hindi agad nakapagpreno ‘yung isang rider. Ang sabi sinubukan niyang iwasan, ngunit it was too late,” sabi ni Police Lieutenant Ivyn Kyle Delorino, Deputy Chief of Police ng Sta. Cruz.
Nagtamo ng malubhang mga sugat ang dalawang babae na idineklarang patay sa ospital. Nagtamo naman ng minor injuries ang nakabanggaan nilang rider, na pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa.
Sa Barangay Pug-os sa Cabugao, Ilocos Sur, nasawi naman ang 21-anyos na lalaking rider at sugatan ang angkas niyang babae nang makabanggaan din ang isa pang motorsiklo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napunta sa linya ng biktima ang motorsiklo ng nakabangaang rider, na nagtamo ng malubhang sugat. – FRJ, GMA Integrated News
