Timbog ang isang 28-anyos na construction worker matapos looban ang bahay ng isang National Bureau of Investigation agent at nakawin pati ang baril nito sa Antipolo, Rizal. Ang suspek, gusto raw ipaghiganti ang nabaril na kapatid.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na tinarget ng suspek ang bahay na malapit lang sa kaniyang pinagtatrabahuhan sa isang subdivision sa Barangay San Roque.

Bago nito, nakisuyo ang 60-anyos na biktima sa suspek na magpaihaw ng pagkain para sa kaniyang kaarawan. Ngunit hindi natuloy ang pagdiriwang sa bahay ng biktima at sa isang resort na lang sila pumunta.

“Kaya itong suspek nagka-idea na walang tao doon sa bahay. So during the occasion, 'yung suspek ay agad-agad na pumunta doon sa bahay. 'Yung parking open, nandoon 'yung hagdan. Without knowing na 'yung tapat ng bahay ng biktima ay mayroong CCTV,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jaime Pederio, OIC ng Antipolo Police.

Mapanonood sa CCTV na nagtungo ang suspek sa bahay noong gabi ng Hunyo 29. Sinabi ng pulisya na ginamit ng lalaki ang hagdan sa pag-akyat at sa bintana siya dumaan para makapasok sa bahay.

“Atin po palang biktima ay isang NBI agent. Nu’ng pag-uwi nila, nakita nila na bukas na nga 'yung kanilang bintana, nandoon pa 'yung hagdan,” sabi ni Pederio.

Sa ikinasang follow-up operation ng mga awtoridad, itinuro ang suspek na mga kasamahan niyang trabahador sa kalapit na construction site.

“In-identify na ng dalawa nilang kasamahan na 'yung nasa CCTV, 'yung kasamahan nila na itong suspek na ito. ‘Ikaw ‘yan eh,’ sabi niya. Pero hindi pa rin siya umaamin. So ang ginawa ng ating mga imbestigador ay pinuntahan nila 'yung tinutulugang bahay doon sa construction site. At doon nga nakita 'yung mga item na ninakaw,” ani Pederio.

Doon na narekober ng pulisya ang mga ninakaw na cellphone, alahas at cash na nagkakahalaga ng mahigit P50,000.

Nakuha naman sa sako ng semento ang ninakaw na baril ng suspek.

Umamin si alyas “Danilo” sa pagnanakaw, na sinabing gusto niyang magkaroon ng baril para maipaghiganti umano ang kapatid niyang nasawi noong Abril dahil sa pamamaril.

“Puntirya ko lang po talaga 'yung baril. Gusto ko lang makabawi sa [pumatay] sa kapatid ko. Hindi ko naman alam na ganito dadanasin ko. Binaril po kasi kapatid ko,” sabi ng suspek. 

Sasampahan ng reklamong robbery ang suspek na nakapiit sa custodial facility ng Antipolo Component City Police Station. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News