Nasawi ang isang lalaki na paulit-ulit umanong naghamon ng away at nagbabanta matapos siyang pagtatagain ng kaniyang kapitbahay sa Moalboal, Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing dati nang may alitan ang magkapitbahay na biktima at suspek sa Barangay Tomonoy.

Sinabi ng mga awtoridad na nag-umpisa ang away ng dalawa noong Abril matapos kainin ng mga kambing ng biktima ang mga tanim ng suspek.

Sa halip na humingi ng paumanhin, nagalit pa umano ang biktima at makailang ulit na hinamon ng away ang suspek. Bukod dito, nagbanta rin umano ang biktima na papatayin ang suspek.

Nitong Linggo, muli umanong naghamon ang biktima at binato pa ang bahay ng suspek, na humantong sa krimen.

Ayon sa suspek, naubos na ang kaniyang pasensiya sa mga paghahamon ng biktima.

Sumuko ang suspek sa kapitan ng barangay, na nagdala sa kaniya sa mga awtoridad.

Narekober din ang bolo na ginamit ng suspek sa krimen.—FRJ, GMA Integrated News