Isang pulis ang nasawi, habang isa pa ang sugatan nang mang-agaw umano ng baril at mamaril ang isang lalaking kalalaya lang sa kulungan na dinala sa police station matapos ireklamo ng trespassing sa Carmona, Cavite.
Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente nitong Miyerkules ng umaga. Napag-alaman na kalalaya lang ng suspek na si Alyas Al noong June 28 sa Iwahig Prison and Penal Farm dahil sa kasong pagpatay.
Batay sa impormasyon mula sa Cavite Police Provincial Office, dinala sa presinto ang suspek matapos na ireklamo ng trespassing. Pero bigla umanong nang-agaw ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga pulis.
Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad at napatay din ang suspek.
Isang pulis at bagong laya na murder convict, patay matapos mag-engkwentro sa loob ng police station sa Carmona, Cavite | via @nimfaravelo pic.twitter.com/2vuzlppkkF
— DZBB Super Radyo (@dzbb) July 3, 2025
Nasawi sa ospital ang biktimang pulis na nagtamo ng dalawang tama ng bala, habang isa pang pulis ang nasugatan nang tamaan siya ng bala sa paa.
Dahil sa insidente, pinarerepaso ng pamunuan ng Cavite PNP ang kanilang security protocol sa himpilan ng mga pulisya para hindi na maulit ang insidente. -- FRJ, GMA Integrated News

