Isa ang patay at dalawa ang sugatan nang pinagtatagain ang tatlong magkakapatid ng kanilang tiyuhin sa loob ng kanilang bahay sa Asturias, Cebu. Ang hinihinalang ugat ng krimen, selos sa isa sa mga biktima, at galit ng suspek sa kanilang ama.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa bahay ng mga biktima sa Barangay Owak nitong Miyerkules ng madaling araw.
Nasawi ang 18-anyos na lalaking biktima, habang malubhang nasugatan ang dalawa pa niyang kapatid na edad na walo at 10, na isinugod sa ospital.
Ayon sa pulisya, kapatid ng ina ng mga bata ang 46-anyos na suspek, na kusang sumuko sa barangay matapos gawin ang krimen.
Wala umano sa bahay ang mga magulang ng mga bata nang mangyari ang krimen dahil nasa Cebu City ang mga ito upang mapaoperahan ang ina.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na bukod sa personal na alitan ng suspek sa ama ng magkakapatid, nagseselos din umano ang suspek sa 18-anyos na biktima na hinihinalang niyang may lihim na relasyon sa kaniyang asawa.
“Ang kanang suspect ug kanang amahan naa na silay personal grudge daan, posible nga kung ang amahan naa pa didto way siguro maoy tigbason, nya wa man didto. Additional sad niyang rason, ang kana kuno namatay, kanang biktima, kanang uyab kuno, naa kunoy relasyon ug iyang asawa. Istorya ra niya. Selos naman sya, mao to gitigbas, wala sa iyang kaugalingon, wala ka-control,” ayon kay Police Senior Master Sergeant Bendie Nuñez, imbestigador sa Asturias Police Station.
Mahaharap ang suspek sa kasong murder at frustrated murder. – FRJ, GMA Integrated News
