Patay ang dalawa lalaki na nakasakay sa isang motorsiklo matapos silang pagbabarilin sa Barangay Vintar sa Valencia City, Bukidnon nitong Miyerkoles.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing edad 47 at 45 ang mga biktima na residente ng Barangay Kahaponan.
Ayon sa pulisya, patungo sa bayan ng San Fernando ang dalawa nang pagbabarilin sila ng salarin sa gilid ng daan.
Ilang basyo ng bala mula sa caliber .45 na baril ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.
“Nag-report sa Valencia CPS, together with the intel operatives conducted a hot pursuit operation and dragnet operation. However, wala silang nakuha kahapon pero as of this time may persons of interest na sila,” ayon kay Bukidnon Police Provincial Office Spokesperson, Police Major Jayvee Babaan.
Napag-alaman din na nakatanggap ng banta sa buhay ang isa sa mga biktima, at tinambangan na rin noong nakaraang Enero pero nakaligtas.
Kabilang ang usapin sa ilegal na droga ang tiningnan ng mga imbestigador ang posibleng motibo sa krimen
“May mga criminal record na ito even sa illegal drugs may record siya sa firearm. So definitely we are looking to many angles in relation to the said shooting incident pero itong kasama niya wala kaming nakita na record,” ayon kay Babaan. – FRJ GMA Integrated News
