Nasawi ang isang 51-anyos na lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng kapuwa niya pasahero sa loob ng sinasakyan nilang bus sa Talavera, Nueva Ecija. Ang suspek, hinihinalang may problema sa pag-iisip.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing galing sa Aurora at papuntang Maynila ang bus.

Ayon sa pulisya, nakatigil ang bus sa Barangay Pinagpanaan sa Talavera nang wala umanong dahilan na biglang inundayan ng saksak ng suspek ang biktima, na tubong-Maynila.

Nasa 14 na sugat umano ang tinamo ng biktima sa leeg, dibdib at tagiliran. Hindi na siya umabot nang buhay sa ospital.

Nadakip naman ang 31-anyos na suspek na tubong-Aurora.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang suspek at mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News