Nabulabog ang isang subdivision sa Angeles City, Pampanga noong Biyernes ng gabi dahil sa pagsabog ng dalawang granada sa labas ng isang bahay na inihagis ng dalawang salarin na sakay ng isang motorsiklo.
Sa ulat ni Glam Calicdan Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, makikita ang pagtigil sandali ng riding in tandem sa tapat ng isang bahay.
Ilang saglit matapos na umalis ang mga suspek, naganap na ang dalawang pagsabog.
Ayon sa pulisya, wala namang nasaktan sa insidente pero nagtamo ng mga pinsala ang ilang sasakyan na nakaparada sa gilid ng daan.
Hindi na umano nakita pa ang riding in tandem pero nakalabas din sila ng subdibisyon.
Dahil sa insidente, hinigpitan ang seguridad sa lugar habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek, at motibo sa krimen. – FRJ GMA Integrated News
