Isang malagim na trahedya ang nangyari sa isang pamilya sa Pantukan, Davao de Oro nitong gabi ng Lunes. Nasawi ang isang sundalo, buntis niyang asawa, at 13-anyos nilang anak nang mabangga ng isang truck ang sinasakyan nilang motorsiklo.
Sa ulat ng GMA Regional TV News mula sa GMA Super Radyo Davao nitong Martes, sinabing residente ng Barangay Magnaga sa Pantukan ang mag-anak.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang mag-anak na minamaneho ng 30-anyos na sundalo at binabaybay ang national highway nang salpukin sila ng nakasalubong na truck na nag-overtake umano sa isa pang sasakyan.
Sa hiwalay na ulat ni Francis Timbal sa Super Radyo dzBB, sinabing tumilapon ang mga biktima at nawasak ang motorsiklo sa lakas ng pagkakabangga.
Tatlong miyembro ng pamilya, kabilang ang amang miyembro ng AFP, patay matapos masalpok ng isang dump truck ang sinasakyang motorsiklo sa Pantukan, Davao de Oro. | via Francis Timbal, Super Radyo Davao pic.twitter.com/wng1PX9Vya
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 28, 2025
Isinugod sa ospital ang mga biktima pero idineklara silang dead on arrival.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver ng truck. – FRJ GMA Integrated News

