Isang ama na nakaranas umano ng depresyon dahil sa problema sa utang ang hinostage ang kaniyang dalawang anak at isang kapitbahay sa Dasmariñas, Cavite. Ang suspek, nasawi at ang isa niyang anak na limang-taong-gulang.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo s GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa isang apartment building sa Barangay Sampaloc IV kung saan nangungupahan ang pamilya ng suspek.
Armado ng patalim, binihag ng suspek ang dalawa niyang anak na edad lima at pito. Nakita pa sa balkonahe ang suspek na hawak ang isang anak, pero sa naturang oras na iyon ay pinatay na umano nito ang isa pa niyang anak na limang-taong-gulang.
Binihag din ng suspek ang isang babaeng border sa lugar.
Sinikap umano ng barangay captain na pakalmahin ang suspek, habang tumatawag naman tulong sa mga kamag-anak ang misis nito.
“Nililibang ko siya kaya lang bigla siyang nawala sa vision ko. Nakarinig na lang ako ng kalabog, alam kong may sinisira na lang siyang pintuan at may mga border na gusto siyang mapasok. Kaya lang pagdating namin sa itaas, sira na yung pintuan,” ani chairman Armando Movido.
Pero nagpasya na ang mga pulis na pasukin na ang kinaroroonan ng suspek nang makarinig na sila ng iyak ng nasasaktan.
“Wala na talagang choice ang police, kami, kundi akyatin na siya,” sabi pa ni Movido.
Nasawi sa naturang operasyon ang suspek, habang dinala naman sa ospital ang pitong-taong-gulang na anak at ang babaeng kapitbahay na nagtamo ng mga sugat mula sa patalim.
Magkatabi namang pinaglalamayan ngayon ang amang suspek at anak niyang nasawi.
Ayon sa asawa ng suspek, bago ang insidente, nakaranas ng depresyon ang kaniyang mister at sinabing nagkaroon siya ng utang.
Halos hindi na rin umano kumakain ang suspek sa kakaisip sa naturang utang.—FRJ GMA Integrated News
