Nasawi ang isang 15-anyos na rider, habang sugatan ang dalawa niyang angkas matapos sumemplang ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Floridablanca, Pampanga. Ang mga biktima, tila inabangan umano ng kagrupo na lalaking kaalitan nito at binato ng bote ng alak.

Sa ulat ng GMA Regional TV News sa Balitanghali nitong Miyerkoles, makikita sa video footage ang ilang kalalakihan na tila may pinagtataguan sa gilid ng Porac-Floridablanca road sa Barangay Calantas.

Ilang saglit lang, dumating na ang motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima na mabilis ang takbo at bigla na lang sumemplang at tumama sa gilid ng bakod.

Ayon sa pulisya, lumabas na imbestigasyon na nawalan ng kontrol sa manibela ang motorsiklo ang rider matapos tamaan sa ulo ng bote na ibinato umano ng grupong tila nagtatago.

Nasawi ang rider at sugatan ang dalawa nitong angkas.

Napag-alaman din ng mga awtoridad na nagtungo ang mga biktima sa lugar kung saan tatagpuin sana nila ang suspek na nakahamunan ng away ng rider sa social media.

Pinaniniwalaan na kasabwat ng suspek ang grupo na nag-abang at bumato ng bote sa mga biktima.

Patuloy na tinutugis ng mga pulis ang mga suspek. – FRJ GMA Integrated News