Patay ang isang ama matapos siyang pagpapaluin ng kahoy at pala ng sariling anak sa loob ng kanilag bahay sa Davao City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang krimen nitong Martes ng gabi sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Tapak.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nagkakape ang 58-anyos na ama nang dumating sa bahay ang 30-anyos na anak na may hawak ng kahoy.
Walang sabi-sabi, basta na lang umanong hinataw ng suspek ng kahoy ang biktima. Sunod nito, kinuha naman umano ng suspek ang pala at ipinalo rin sa kaniyang ama hanggang sa mamatay.
Personal na galit ang tinitingnan ng mga awtoridad na motibo ng suspek sa krimen.
Nadakip na ang suspek na mahaharap sa reklamong parricide. –FRJ GMA Integrated News
