Wala nang buhay at may mga tama ng bala ng baril nang matagpuan ang dalawang security guard sa tanggapan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Ipil, Zamboanga Sibugay nitong Martes. Ang modem at memory card ng CCTV camera ng opisina, nawawala.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing edad 41 at 52 ang dalawang biktima, na parehong residente sa lalawigan at pang-gabi ang duty.

Ayon sa pulisya, bukod na nawawala ang CCTV camera sa opisina, hindi rin mahanap ang modem at memory card nito.

Nawawala rin ang service firearms ng dalawang biktima na hinihinalang tinangay ng mga suspek.

Natuklasan din ng mga awtoridad na binuhusan ng gasolina ang mga computer sa opisina, bukas ang isang steel cabinet, at nagkalat ang mga dokumento.

Ayon sa Zamboanga Sibugay Police Provincial Office, isa sa mga biktima ang nagtamo ng hindi bababa sa limang tama ng bala, habang tatlong tama naman ng bala ang tinamo ng isa pang biktima.

Hinihinala na ilang oras nang patay ang mga biktima nang makita ang kanilang katawan.

“Nung naabutan po ng personnel ng BIR, patay na yung dalawa, medyo dry na ang dugo,” sabi ni Zamboanga Sibugay Police Provincial Office Spokesperson, Lt. Gina Magnaye.

Kabilang sa mga nakita sa lugar ng krimen ang tatlong basyo ng bala, apat na fired bullets mula sa kalibre .9mm na baril, at tatlong bala ng shotgun.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung sino ang mga salarin at ano ang motibo sa krimen.

Sinusubukan ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima, at opisyal ng BIR, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News