Nakadapang walang saplot at naaagnas na nang matagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng isang 45-anyos na Dutch national sa kanyang unit sa isang condominium sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal nitong Linggo.
Ayon sa pulisya, mga katabing unit owner ang nagreport sa awtoridad ukol sa masangsang na amoy mula sa unit ng biktima.
“Nung pagbukas po namin ng unit ay meron po kaming nakitang mga dugo na nakakalat po sa sahig saka po sa mga pader at pati po doon sa CR, may kalat na dugo at dun po sa guest room nandun po yung biktima na base po sa forensic po namin is 2-3 days na po ito at nasa state of decomposition na po,” sabi ni Police Chief Master Sergeant Nerico Sulit, investigator, Cainta Police.
Posible raw na nanggaling ang dugo sa pagsuntok umano ng biktima sa pader, base sa pahayag ng mga kapitbahay na nakaririnig din daw ng mga sigaw ng biktima tuwing madaling araw.
Huli raw nilang nakita ang biktima na nagsasalita mag-isa at tila wala sa tamang pag-iisip.
Base sa imbestigasyon, posibleng walang foul play sa pagkamatay ng biktima na dalawang buwan pa lang naninirahan sa naturang unit.
“Wala po kaming nakitang saksak o gunshot dun sa katawan kahit po sa ulo. Lahat po ng personal belongings nun pong ating biktima ay intact, wala pong nawala even the groceries na nakalagay dun sa kanyang lamesa, hindi man lang po natumba so wala pong nangyaring kaguluhan,” ayon kay Sulit.
Nakumpirma naman ng pulisya sa mga kaanak na may depression ang biktima na dati na rin daw sumailalim sa rehabilitation sa isang mental health institution sa kanilang bansa.
“Base po dun sa kapatid ng dati niyang kinakasama, ito pong ating biktima ay lagi pong umiinom ng alak at bago po sila maghiwalay nung araw na binilhan niya po ito ng grocery ay umiinda po ito na masakit po ang kanyang dibdib pati po ang kanyang sikmura,” sabi ni Sulit.
Hinihintay pa ang resulta ng autopsy para matukoy ang tiyak na sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa embahada at mga kaanak ng biktima para sa pagproseso ng kanyang bangkay.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang pamunuan ng condominium na pinangyarihan ng insidente. —VBL GMA Integrated News

