Halos maubos at mapatag ang mga bahay sa ilalim ng Dumlog Bridge dahil sa pagragasa ng Mananga River habang humahagupit ang Bagyong Tino sa Talisay City, Cebu.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita sa aerial footage na kaunting pader na lamang at wala nang bubong ang mga bahay sa Barangay Dumlog.

Hindi rin nakaligtas ang mga konkretong bahay sa lakas ng hangin at ulan na nagdulot ng matinding pagbaha

Pilit namang nagsasalba ang ilang residente ng kanilang mga gamit mula sa mga nawasak o tinangay nilang mga bahay.

Umabot na sa pito katao ang nasawi sa Talisay City.

Ang residenteng si Rosalie Villaver, na nakatira sa ilalim ng tulay, hindi mapigilang maiyak matapos masira ang kanilang tinitirahan.

“Wala na lahat po, na-wash out. Maraming bahay doon, wash out talaga kasi biglaan 'yung tubig na umapaw,” sabi ni Villaver.

Matinding pinsala ang dinulot ng Bagyong Tino, ayon sa ginang.

“Ito ang pinakapinsala ngayon na baha. Noon, maraming bahang dumadaan na bagyo pero hindi ganito. 'Yung Odette at saka 'yung Nanang, Yolanda noon hindi ganito. Ngayon lang umapaw siya talaga,” sabi ni Villaver.

Nagbigay naman ng abiso ang barangay para sa paparating na bagyo, ngunit ilan ang naiwan sa bahay para magbantay.

Inaprubahan na ni Pangulong Marcos ang rekomendasyong magdeklara ng state of national calamity dahil sa paghagupit ng Bagyong Tino.

“Because of the scope of problem areas that [have] been hit by Tino and will be hit by Uwan...  There was a proposal from the NDRRMC which I approved that we declare a national calamity,” sabi ni Marcos.

''There will be almost 10 regions, 10 to 12 regions that will be affected. So pagkaganoong karami, ganoon ang scope, then it is a national calamity... that gives us quicker access to some of the emergency funds,'' dagdag niya.

Umabot na sa 114 ang mga napaulat na nasawi, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes.

Sinabi ni OCD deputy spokesperson Diego Mariano sa mga reporter na halos lahat ng mga nasawi ay mula sa probinsya ng Cebu, na umabot sa 71. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News