Patong-patong na reklamo ang kakaharapin ng isang pulis na umamin umano sa krimen kaugnay sa isang babaeng negosyante na natagpuang patay at walang damit sa talahiban sa Negros Occidental noong nakaraang linggo. Aksidente lang umanong nabaril ng suspek ang biktima na kaniya raw kasintahan pero duda rito ang National Police Commission (NAPOLCOM).

Sa ulat ni Raffy Tima sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing halos hindi makapagsalita si Mary Grace Arcenas Dignadice, kapatid ng biktimang si Kristine Joy Dignadice, nang malaman na si Police Staff Sergeant Enrique Gonzalodo Jr, ang nasa likod ng krimen.

“Pinatuloy ko pa siya sa bahay namin, pinagkape ko pa. Noon ko malaman, siya pala  'yung pumatay,” sabi ni Mary Grace tungkol kay Gonzalodo, na dating nakadestino sa Bacolod City.

Dalawang araw matapos mawala si Kristine Joy, pumunta umano ang pulis sa bahay ng biktima at kinausap ang mga kapatid nito. Dito nagpakilala umano si Gonzalodo na kasintahan niya ang negosyanteng biktima.

Humingi umano ng paumanhin ang suspek sa mga kapatid ng biktima na hindi niya nasamahan noon si Kristine Joy.

“It was only the first time. ‘Yung kapatid ko na si Mary Grace ‘yung nandu’n at that time sa bahay namin. Pero nagkausap kami over the phone and then humingi siya ng pasensiya sa akin kasi sabi niya raw hindi niya nasamahan ‘yung kapatid namin,” sabi ni Salvador Joshua Dignadice.

Matapos makita ang bangkay ng biktima sa talahiban, kusang sumuko si Gonzalodo sa mga awtoridad at sinabing aksidente niyang nabaril ang biktima.

Gayunman, nagdududa ang Napolcom sa kuwento ng suspek dahil lumalabas na inabandona niya ang biktima at tinangkang itago ang krimen.

“May aksidente, anong first na reaction mo ‘pag may aksidente? ‘Di ba dadalhin mo sa ospital? Eh, saan niya dinala? Sa talahiban. Tinapon niya ‘yung babae sa talahiban. Tinanggalan ng damit, pinamukhang rape. Iniwan, pinabayaang mamatay, itinago,” sabi ni Commissioner Rafael Calinisan, Vice Chairperson and Executive Officer ng Napolcom.

Batay sa kanilang motoproprio investigation, inirekomenda ng Napolcom na sampahan ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer ang suspek.

Hindi rin naniniwala ang mga kapatid ng biktima magkarelasyon sila ng pulis dahil hindi umano ito nabanggit ng biktima. Pero naikuwento umano ni Kristine Joy na may pinautang siya ng P120,000.

“Meron daw humiram sa kaniya ng pera pero ayaw niya sabihin sa akin kung sino kasi sabi niya raw kakilala niya naman,” sabi ni Salvador. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News