Lumitaw sa awtopsiya na positibong ginahasa ang pitong-taong-gulang na babae na nakasilid sa sako sa banyo ng kanilang bahay sa Lambunao, Iloilo. Ang biktima, sinakal gamit ang sintas ng sapatos at straw, ayon sa pulisya.

Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, napag-alaman din mula sa mga awtoridad na nakita sa loob ng bahay ang saplot pang-ibaba ng biktima na indikasyon na malaki ang posibilidad na sa bahay mismo nangyari ang krimen.

Hapon nitong Sabado, Nov. 8, nang makita ng lola ng bata ang sako (kung saan nakasilid ang kaniyang apo) na nasa loob ng banyo ng bahay ng biktima sa Barangay Tampucao.

Batay sa unang ulat, iniwan ng ama ang biktima sa bahay ng lola nito na hindi kalayuan sa isa't isa bahay.

Pero nagpaalam umano ang bata na uuwi para manood ng TV pero hindi na nakabalik sa bahay ng kaniyang lola. Dito na nagpasya ang lola na puntahan ang kabilang bahay hanggang sa makita nito ang apo na nasa sako na nasa loob ng banyo.

May pulso pa umano ang biktima nang sandaling iyon kaya dinala sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Wala umanong saplot pang-ibaba ang bata nang matagpuan.

Ayon kay Police Captain Jose Winston Biadog, hepe ng Lambunao Municipal Police Station, lumalabas sa medico-legal report na sinakal ang biktima gamit ng sintas ng sapatos at straw.

Ngunit hindi pa matiyak kung patay na ang biktima nang ipasok ito ng salarin sa sako.

Wala pang suspek ang pulisya sa krimen, bagaman may lima silang persons of interest (POIs), kabilang ang lolo ng bata.

Mga kapitbahay naman ang apat pang POI, na pawang kinuhanan ng swab specimen.

Hinihinala rin ng pulisya na isang tao lang ang nasa likod ng krimen.

“Baka may nakakita upang maging witness or may nalalaman na information dyan sa Barangay Tampucao, humihingi kami ng tulong o kooperasyon na i-report kaagad sa atin upang matulungan ang pamilya ng biktima na ma-solve at mabigyan ng hustisya,” panawagan ni Biadog. –FRJ GMA Integrated News