Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Environment and Natural Resources at lokal na pamahalaan sa isang mala-Rice Terraces na high-end residential project sa Cebu City, na itinuturo ng ilang residente na sanhi umano ng matinding pagbaha noong kasagsagan ng bagyong Tino.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing inumpisahan ang The Rise at Monterrazas noong 2024 sa may Barangay Guadalupe sa Cebu City.
Natatangi ang proyekto dahil nasa burol mismo ang development at hinulma kagaya sa Banaue Rice Terraces ang gilid nito para matayuan ng mga kabahayan.
Ipinakita sa Facebook page ng The Rise at Monterrazas ang tatlong hektaryang property na may mga luxury villas.
Gayunman, isa ang Monterazas project sa mga itinuturo sa malalang pagbaha noong nakaraang linggo sa Cebu City. Muntik pang umabot ang baha sa bubong ng mga bahay.
Sinabi ng ilang residente na unang beses itong nangyari sa kanilang lugar, lalo’t pinutol ang mga puno at nawala ang forest cover, kaya dire-diretso na ang tubig ulan pababa sa mga kabahayan.
Inilahad pa ng ilang residente na ikinatatakot nila na baka lumala pa ang problema kung hindi ito maagapan.
Bumuo na ang DENR ng isang team upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa proyekto.
Kapag may nakitang paglabag sa kanilang Environmental Compliance Certificate o iba pang regulasyon, hindi magdadalawang-isip ang DENR na magpataw ng mga parusa tulad ng suspension, penalties, at iba pa.
Ayon pa sa DENR na sa kabila ng may tree cutting permit ang developer, malaki umano ang nabawas sa mga puno sa lugar sa loob ng tatlong taon.
“Sa CENTRO Cebu City, kasi mayroon tayong ginawa na tree inventory in the Year 2022. Sinimula na rin ng Cebu City LGU ang imbestigasyon sa proyekto dahil sa mga reklamong dulot ng baha. It recorded 745 trees. Ngayon, noong nag-conduct tayo ng interview last Friday, it appears na 11 na lang out of 745 na mga kahoy, [ang natira] during the inventory… Mayroong cutting permit ‘tong proponent,” sabi ni Dr. Eddie Llamedo, Assistant Director ng DENR Region 7.
Inumpisahan na rin ng Cebu City LGU ang pag-iimbestiga sa proyekto dahil sa mga natatanggap na reklamo ukol sa baha.
“Kung sasabihin nila na ipapasara, then we will do that. Kung sasabihin nila na kinakailangang lakihan ang catchment para sa kapakanan ng siyudad at ng mga taong nasa ibaba, then we will start doing that,” sabi ni Cebu City Mayor Nestor Archival.
Patuloy na hinihingian ng GMA Integrated News ng pahayag ang developer.
Nagtungo rin ang GMA Integrated News ang tanggapan ng Monterrazas de Cebu pero sinabi ng guwardiya na walang puwedeng humarap sa team.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
