Arestado ang isang babaeng nagpakilalang taga-media dahil sa pagbabanta niya umano sa ilang taga-LGU sa Rodriguez, Rizal nang hindi napagbigyan ang kaniyang request.
Sa ulat ni EJ Gomez sa "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na nagpakilala umanong taga-media ang 41-anyos na suspek nang bumisita sa munisipyo ng Rodriguez.
Humiling ang suspek sa opisina ng mayor ng mga accomplishment ng munisipyo para ilathala umano ng kanilang news organization.
“‘Yung ating municipal administrator politely declined at ang reason ay meron naman kasing sariling platform ang municipality of Montalban. Nu’ng oras na 'yun, nag-insist siya ng meeting with the mayor. Obviously, hindi siya kayang pagbigyan dahil biglaan. So, nu’ng hindi siya nagpagbigyan, she insisted na bayaran ‘yung kaniyang travel expenses,” sabi ni Police Captain Fernan Romulo, Deputy Chief of Police ng Rodriguez Police.
Hindi muling napagbigyan ang suspek sa kanyang request kaya nanakot na umano ito sa mga kausap niyang tauhan ng munisipyo.
“Nag-threaten siya na maglalabas siya ng negative publicity against the municipality of Montalban,” ayon kay Romulo. (NB: Rodriguez had been renamed Montalban under Republic Act No. 11812)
Dahil dito, agad nagsumbong ang municipal administrator sa pulisya at nadakip ang babae na taga-Quezon City.
Ayon sa suspek, isa siyang correspondent sa kanilang news organization sa Mindanao, na gusto lamang makausap ang mayor para magsumite ng kanilang proposal.
“Mag-courtesy call lang kay mayor. Gusto lang po namin mag-promote ng mga magandang nagagawa niya, ang good governance po niya. Akala po kasi nila namimilit po ako. Pa-submit lang po kami ng proposal po. Hindi lang po nagkaintindihan,” sabi ng suspek.
Itinanggi niya rin ang pananakot umano niya sa mga empleyado ng munisipyo.
“Ako po ay humihingi ng paumanhin kung sa palagay niyo po, naisip niyo po, natakot po kayo. Pasensiya na po talaga. Hindi po talaga, hindi ko po talaga intensiyon na gumawa po ng hindi maganda sa inyo,” sabi niya.
Sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police Station nakadetene ang suspek, na nahaharap sa kasong grave coercion.
Sinusubukan pang kunan ng GMA Integrated News ng pahayag ang pamunuan ng munisipalidad ng Rodriguez. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News
