Isang lalaki na bumibili ng isda ang binaril at napatay ng salarin na nakasakay sa motorsiklo sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News “Saksi” nitong Miyerkules, makikita ang biktima na bumibili ng isda sa isang tindahan sa Abad Santos Avenue sa Barangay Salawag nang pagbabarilin siya ng salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Pero bago ang krimen, nahuli-cam ang suspek na dumaan sakay ng motorsiklo na tila minukhaan muna ang biktima. Nang matiyak ang kaniyang pakay, bumalik ang salarin at pinagbabaril na ang biktima.

Isang lalaki pa ang nadamay at tinamaan sa binti. Makikita siyang tumakbo pero bumagsak din kinalaunan.

Ayon sa isang saksi, nagtago na sila nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril. Hanggang sa makita na nilang nakahandusay na ang biktima.

Sa spot report ng Dasmariñas City Police Station, nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima. Naisugod pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay.

Samantalang nagpapagaling naman sa ospital ang isa pang biktima na tinamaan ng bala sa binti.

Nagsasagawa ng backtracking ang mga awtoridad sa mga CCTV camera sa lugar para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.—FRJ GMA Integrated News