Isang motorcycle rider na may iniwasang bato ang nasawi matapos siyang pumailalim sa kasalubong na L300 van sa Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing naganap ang insidente sa pababa at pakurbang bahagi ng Payatas Road, Barangay San Jose.
Sinabi ng pulisya na paakyat ang motorsiklo at kasalubong ang L300 van dito po sa kabilang linya ng kalsada.
“Itong biktima ay may iniwasang bato sa kaniyang dadaanan na out of balance. Tapos sa kaniyang pag-slide, tumama siya doon sa paparating na sasakyan sa kabilang linya. Dire-diretso. Natumbok ng sasakyan ang motor. Sa pagkakatumbok, pumailalim,” sabi ni Police Master Sergeant Andrew Deo, Investigator ng Rodriguez Police.
Walang malay ang biktima pero may pulso pa umano nang madatnan ng responders bago siya isinugod sa ospital at doon ideklarang dead on arrival.
“Sa aming pag-aanalisa doon sa iniwasan ng biktima ay maaaring ito po ay nalaglag ng mga nagbabiyaheng mga truck,” sabi ni Deo.
Dinakip ng pulisya ang 48-anyos na driver ng L300 van. Ayon sa kaniya, naghahanap sila ng kaniyang biyenan ng bigas para sa kanilang negosyo nang maganap ang insidente.
“Bale pababa po kami eh. Tapos po, bigla na lang pong pumasok doon sa ilalim ng sasakyan eh. Nakapagpreno naman po. Bale, ewan ko po kasi wala naman pong traffic ‘yun. Baka mapatawad nila po ako kasi aksidente na naman po ‘yun eh. ‘Di naman sadya po eh,” sabi ng utility van driver.
Nakaburol ang biktima sa kanilang tahanan sa Barangay San Jose.
Sinabi ng ama ng biktima na papasok sa trabaho ang anak niya na isang call center agent ng mangyari ang insidente.
“Nagdadalamhati po kami ng buong pamilya ko sa pangyayari,” sabi ng ama ng biktima.
Sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police Station nakadetene ang driver, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News
