Dalawa ang nasawi, at anim ang sugatan matapos na mawalan umano ng preno ang isang truck at tumagilid at nang-araro ng ilang bahay sa gilid ng kalsada sa Siniloan, Laguna. Ang driver at pahinante ng truck, gulpi ang inabot sa ilang kalalakihan sa lugar.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Famy–Infanta Provincial Road, at mga graba ang karga ng truck.
Sa gitna ng kaguluhan sa pagsalba sa mga naipit na biktima, lalong tumaas ang tensiyon nang gulpihin ng ilang kalalakihan ang driver at pahinante ng truck na kabilang sa mga naitalang nasugatan.
Natigil lang umano ang pananakit sa dalawa sa tulong din at pag-awat ng iba pang residente.
Gumamit naman ng payloader ang mga rescuer para makuha ang mga naipit na mga biktima at dinala sa ospital.
Sa kasamaang-palad, dalawa sa kanila ang nasawi, at menor de edad ang isa.
Galing umano sa Infanta, Quezon ang truck at patungo sa Lucena City nang mawalan ito ng preno sa pakurbang bahagi ng daan.
Sinabi umano ng driver na kinabig niya ang manibela na dahilan para tumagilid ito at naararo ang ilang kabahayan sa gilid ng daan.
Inihayag naman ng saksi na mabilis ang takbo ng truck nang mangyari ang insidente.
Mahaharap ang driver sa mga reklamong reckless imprudence resulting in double homicide, multiple physical injuries, at damage to property, ayon sa Siniloan police.—FRJ GMA Integrated News
