Patay ang isang babae matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang live-in partner sa gitna ng kanilang away dahil umano sa selos sa Santa Maria, Laguna. Ayon sa suspek, sinasaktan siya ng babae kaya nagdilim ang kaniyang paningin at nagawa ang krimen.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, sinabing bangkay na nang matagpuan ang biktima sa kanilang bahay sa Barangay Bagong Pook matapos magtamo ng mga saksak sa katawan.
“Ang inabot namin doon ay 'yung biktima na nakahiga doon sa kaniyang kwarto. At maraming posibleng sugat na dala ng isang matalim na bagay. At marami na ring dugo na nagmumula sa kaniyang katawan. Meron po siyang tama sa likod, sa dibdib, sa tagiliran, at sa kaniyang mga braso na nagpapakita lang na posibleng mga defense wound na posibleng nanlaban or [sinalag] niya 'yung kutsilyo para hindi tamaan 'yung kaniyang katawan,” sabi ni Police Staff Sergeant Dominador Mendoza, assistant investigator ng Santa Maria Municipal Police, Laguna.
Tumakas ang live-in partner ng biktima matapos ang krimen, na nakunan sa CCTV footage sa lugar.
“Lumalabas doon sa motive niya kasi nagkaroon ng pagtatalo 'yung mag-live-in partner na ‘yun. Kasi may nag-pop up na message doon sa cellphone ng lalaki which is nalaman ng kaniyang kinakasama at doon sila nagkaroon ng mainitang pagtatalo,” sabi ni Mendoza.
Sumuko kalaunan ang suspek sa mga awtoridad.
“Nagdilim na po ‘yung paningin ko. Sinasaktan po kasi niya ako. Lagi niya akong sinasaktan, nagtitiis lang po ako nu’n. Medyo hindi ko na po napigilan ‘yung sarili ko, parang napuno na po ako kaya ko nagawa ‘yung bagay na ‘yun,” sabi ng suspek.
“Nagsisisi po ako, sising sisi po ako. Hindi ko po ginusto. Nabigla lang po ako at sana po ay mapatawad nila ako,” mensahe ng suspek sa mga kaanak ng biktima.
Sasampahan ang suspek ng reklamong murder. —Jamil Santos/VBL GMA News
