Patay ang apat na lalaki na nagpapaputok umano ng baril at nakipagbarilan sa mga pulis na rumesponde matapos makatanggap ang sumbong tungkol sa kanilang ginagawa sa Arayat, Pampanga.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing rumesponde ang mga pulisya matapos silang makatanggap ng impormasyon may armadong grupo na nagpapaputok ng mga baril sa lugar.

Ngunit nang dumating ang mga awtoridad sa lugar, sinalubong umano ng mga putok ng baril ang mga pulis kaya gumanti sila ng putok na ikinasawi ng apat na lalaki.

Ayon sa pulisya, limang uri umano ng baril at isang granada ang nakuha nila sa pinangyarihan ng engkuwentro.

Inihayag naman ng anak ng isa sa mga nasawi, hindi totoo na nagpaputok ng baril ang kaniyang ama, maging ang tiyuhin at dalawang kaibigan.

Idinagdag niya na kumakain lang umano ang apat nang puntahan ng mga pulis.

Tumanggi naman ang Arayat police na magbigay ng pahayag tungkol sa sinabi ng anak ng isa sa mga nasawi. –FRJ GMA News