Kinilala ang tatlong magkakapatid na babae sa Brazil ng Guinness World Records bilang pinakamatandang magkakapatid na trio sa mundo, na umabot sa 316 ang pinagsama-samang edad.
Sa ulat ng GMA News Feed, ipinakita sina Zulina de Deus Nunes, Zoraide de Deus Mota, at Levita de Deus Nunes, na may pinagsamang edad na 316 taon at 302 araw, ayon sa LongeviQuest, isang organisasyong nagtatala at nagsasaliksik tungkol sa human longevity o mahabang buhay.
Pinakamatanda sa tatlo si Levita, na 109-taong-gulang na ngayon, sinundan siya ni Zoraide na 104-taong-gulang, at ang bunso si Zulina, na 103-taong-gulang.
Sinabi ng magkakapatid, malaking bagay ang malusog na pagkain at pagiging aktibo sa pagkakaroon ng mahabang buhay.
Kuwento ni Zulina, lumaki siyang lumalangoy at nangingisda sa ilog. Kaya naman sariwa ang halos lahat ng kanilang kinakain noon dahil wala pa silang refrigerator.
Ipinunto naman ni Zoraide ang kahalagahan ng pag-breastfeed sa kanila ng kanilang ina noon.
Pero bukod sa kanilang world record, pag-aaralan din ng mga scientist ang kanilang DNA para matulungang masagot kung ano nga ba ang sikreto sa mahabang buhay.
Parte ang magkakapatid ng DNA Longevo Project, isang pag-aaral na pinamumunuan ng scientist na si Mayana Zatz mula sa University of São Paulo. Layunin ng proyekto na tuklasin ang mga biological at genetic factors na maaaring may kaugnayan sa pagtanda at mahabang buhay.
Umaasa ang mga researcher na makatutulong ang pag-aaral sa DNA ng magkakapatid para maunawaan kung bakit may mga taong nananatiling malusog, matalas ang pag-iisip, at physically active kahit lampas 100 taong gulang na.
Gusto ring malamang ng mga scientist kung gaano kalaki ang papel ng genetics kumpara sa lifestyle at environment sa mahabang buhay.
Nakatakda rin nilang pag-aralan kung may mga namamanang katangian na nakatutulong para maprotektahan ang puso, mga kalamnan, at cognitive function laban sa epekto ng pagtanda.—Jamil Santos/FRJ GMA News
